November 30, 2024

Sanhi ng sore eyes sa bata : Sintomas at gamot

Ang sore eyes, o conjunctivitis, ay isang karaniwang impeksyon sa mata na maaaring makaapekto sa mga bata. Dulot ito ng virus, bacteria, o allergen, at nagdudulot ng pamumula, pangangati, at pamamaga ng mga mata. Ang mga batang may sore eyes ay kadalasang nakakaranas ng labis na pagluha at maaaring magkaroon ng malagkit na likido na nagiging sanhi ng pagdidikit-dikit ng mga talukap. Dahil dito, nagiging maselan ang mga bata at maaaring mahirapang makapaglaro o mag-aral nang maayos.

Ano nga ba ang Conjunctivitis o sore eyes sa bata?

Ito ay nagmula sa word na conjunctiva at itis. Ang conjunctiva ay yung parte ng mata natin na parang balat na pumuprotekta sa puting parte ng mata natin na nag-extend hanggang sa likod o loob ng talukap natin. Ang itis naman ay ibig sabihin ay inflammation, parang appendicitis o inflammation ng appendix at tonsillitis o inflammation ng mga tonsils. Kaya ang conjunctivitis ay inflammation ng conjunctiva dahil sa iritasyon. Pwede itong infectious o nakakahawa o non-infectious o hindi nakakahawa.

Mga Sanhi ng Conjunctivitis o sore eyes sa bata

May tatlong main causes ang conjunctivitis. Ito ang virus, bacteria at allergy.

Virus o Viral Conjunctivitis

Ito ang pinakakaraniwang type ng sore eyes. Ito ay mabilis nakakahawa lalo na sa mga crowded na lugar. Pwede kang makaramdam ng paghapdi ng mata, pamumula nito, o watery discharge o parang malagkit na pagluha. Ang usual na virus na nagdudulot nito ay yung virus na nagdudulot ng runny nose o sore throat.

Bacteria o Bacterial Conjunctivitis

Sobrang nakakahawa din pero ang sanhi ay bacteria. Pwede ka rin makapansin ng pamumula ng mata at masyadong whiteish yung muta na malagkit na mahirap buksan sa umaga dahil sa pagkakadikit nito habang tayo’y natutulog.

Allergic Conjunctivitis

Ito ay dahil sa allergic reaction sa mga pollen, animals, usok, at marami pang iba. Pwede kang makaramdam ng sobrang pangangati, pamumula, at watery discharge. Mararamdaman mo rin na parang mabigat at maga ang mga talukap o eyelids mo.

Paano Makukuha ang Conjunctivitis?

Sa mga infectious o nakakahawang conjunctivitis, ang pinakakaraniwang paraan ay through direct contact, usually hand to eye contact. Halimbawa, meron kang sore eyes at nagkusot ka ng mata, tapos hinawak mo ito sa mga bagay sa paligid tulad ng door knob, at hinawakan ito ng kasama mo sa bahay at nagkusot siya ng mata, pwede mo maipasa ang mikrobyo na nagdudulot ng conjunctivitis o sore eyes.

Pwede rin magspread ang infection mula sa bacteria na nakatira sa iyong ilong at mga sinuses o kapag gumamit ka ng contact lenses na hindi malinis. Madalas nakikita sa mga bata ang infectious conjunctivitis dahil may contact sila sa mga school o daycare center at hindi maganda ang kanilang hygiene.

Mga Sintomas ng Conjunctivitis

Pwede kang makaramdam ng parang may puwing o parang may buhangin sa loob ng mata mo. Makakaranas ka rin ng pamumula at paghapdi ng mga mata. Pwede rin ang pangangati ng mata tulad ng sa allergic conjunctivitis, watery eye o may discharge, o parang puffy o maga ang eyelids mo. Pwede rin magdulot ng parang hazy o blurry vision at sobrang sensitibo ang paningin mo sa ilaw. May pagkakaroon ng discharge o pagmumuta rin.

Paano Ginagamot ang Conjunctivitis?

Ang paggamot nito ay depende sa sanhi o klase ng conjunctivitis. Sa viral conjunctivitis, ito ay self-limiting o kusang nawawala, kaya walang specific treatment para dito. Pwede kang maglagay ng malamig na tuwalya sa iyong mga mata para maging komportable ang pakiramdam.

Sa bacterial conjunctivitis, kailangan ng anti-bacterial o antibiotic eye drops, ngunit kailangan makita muna kayo ng doktor dahil kailangan ng reseta.

Sa allergic conjunctivitis, iwasan ang allergens. May gamot na anti-allergy o antihistamin na pinapatak o iniinom para maiwasan ang pangangati.

Pag-iwas at Kailan Dapat Pumunta sa Doktor

Para maiwasan ang pagkalat o pagkahawa, maglaan ng isang tissue sa isang mata at wag gamitin sa kabilang mata. Palaging maghugas ng kamay, wag humawak ng mata, at wag gumamit ng makeup kung infected. Kung masyado nang masakit o malabo na ang paningin, at sensitibo na sa liwanag, magpatingin sa doktor. Kapag tumagal ng higit isang linggo at lumalala, ipacheck up na ito. Kung may lagnat o ibang sintomas, magpakonsulta na.

Karaniwang Tanong

Yung mga sikat na gamot na Visine o Imo, hindi ito epektibo sa conjunctivitis. Pwede pang magdulot ng mas malalang sintomas. Ang breast milk ay hindi rin inirerekomenda dahil pwede itong magdulot ng bagong bacteria.

Paalala

Siguraduhing bago maglagay ng kahit anong gamot sa mata, magpacheck up muna sa doktor.

Iba pang mga babasahin

Mabisang gamot sa sore eyes ng bata: Importanteng malaman ito

Mabisang gamot sa masakit na lalamunan ng bata: Tonsilitis

Mabisang gamot sa tonsil ng bata: Tips at Home remedy

Gamot sa ubo ng baby 0-6 months old: Wastong kaalaman sa lunas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *